minsan isang makulimlim na hapon

huminto ako para mag-isip

malaya nga kayang matatawag ang buhay ko?

kung sa tuwiran kong pagpapahayag nagiging pipi ang ilan

kung sa pagsilay ng ngiti sa aking mga labi

dulot nama'y pighati

kung sa paggawa ng kabutihan

nakikita ng iba'y kasamaan

kung sa pagsuot ng disenteng saplot

kalaswaa'y pilit sinisilip

kung sa taimtim na pagdarasal

pilit na ginugulo ng kadiliman

kung ang kapiranggot na kaginhawaan

nakikita'y karangyaan

kalayaan.. ano nga ba ang tunay mong

kulay at kahulugan?